Monday, September 28, 2009

Ondoy: Isang laksang pagkabahala at pagmumuni

  • Nitong nakalipas na katapusan ng linggo, dumagsa ang tubig-baha sa bahagi ng Central, Northern at Southern Luzon. Sa loob lamang ng anim na oras, isinaboy ni Ondoy ang ulang normal na nakukuha ng Pilipinas sa loob ng isang buwan. Walang tigil ang buhos ng ulang nagtapos sa buhay ng halos 75 katao at nanira sa maraming kabuhayan. Sa 23 taong paninirahan ko sa Lungsod Quezon, ngayon ko lang nakita ang pananalasa ng isang bagyo na umabot mismo sa aming barangay. Ayon sa isa kong kaibigan, 5 bahay ang tinangay ng malakas na agos dala ng pag-apaw ng sapa sa Balara Filitration. Ang mga nawalan ng bahay ay dinala sa aming kapilya. Hanggang kaninang umaga ay naroon pa rin ang mga nasalanta.
  • Pumunta kami ng kapatid ko sa Marikina kahapon. Sa unang pagkakataon, nasaksihan ko kung paanong binaybay ng kasawian ang mga kalsada ng Shoe Capital at pinakamalinis na lungsod ng Metro Manila-- ang Marikina. Ilang matitinding larawan ang kumintal sa isip ko habang nakasakay sa jeepney at nakatanghod sa bintana nito. Una, isang batang may kalahating dangkal na tumor sa ilong ang nakaupo sa hagdan ng isang puting bahay sa gilid ng kalsada kasama ang kanyang pamilyang bitbit ang iilang pirasong plastic na naglalaman ng mga kaunting damit. Pangalawa: Isang babaeng umiiyak kasama ang kanyang pamilyang may bitbit ng maletang brown. Pangatlo: Isang pamilyang mukhang mayaman (base sa kinis ng balat) ang naghihintay sa ilalim ng shed papunta sa Riverbanks Mall, putikan, mukhang nag-aalala habang may bitbit na mga maleta. Habang pauwi kami, napapatingin ako sa putikang sahig ng jeep. Iyon ang unang beses na nakakita ako ng putikang sahig ng pangunahing moda ng transportasyon sa bansa.
  • Sa lahat ng imahe, pipiliin kong bitbitin ang imahe ng daan-daang Pinoy sa telebisyon man o sa lugar na madalas kong pinupuntahan. Mga Pinoy na piniling tumugon sa tawag ng pangangailangang magsilbi sa mga biktima ng bagyo. Hindi ko na maalala kung ilang beses ko itong nasambit: PROUD AKO SA PAGIGING PINOY. Oo, sa kabila ng lahat.

No comments:

Post a Comment