Ang pagsusulat ay isang biyaya. Isa itong makapangyarihang paraan ng pagbabahagi. Noong ako'y bata pa hanggang ngayon man, palagi kong hinahangaan ang sinumang matagumpay na nakakapagpaabot ng kanyang isipan at saloobin sa pamamagitan ng sinulat na salita. Pangarap ko ang magsulat. Gawain ko ang magsulat. Tuntunin ko ang makapagbahagi ng aking sarili at ng mundong aking ginagalawan sa pamamagitan ng papel at panulat.
Bilang taong mahilig magsulat (hindi ko pa kayang sabihing ako ay isang ganap nang manunulat kung kaya't maiging ang naunang pahayag ang gamitin bilang panlarawan sa akin), isang hiwaga ang bawat pagsasanib ng mga titik. Isang ganap na uri ng pag-iisip ang pagsusulat at ito'y matagumpay na naisasagawa lamang ng isang taong bukas sa biyaya. Nangangahulugan itong kahit sino'y maaaring maging manunulat kung bukas ang kanyang isipan at nakahanda siyang humawak ng responsibilidad na kaakibat ng tungkulin ng pagsusulat.
No comments:
Post a Comment