Wednesday, November 4, 2009

Ano sa Tagalog ang 'Writing Break'?

Hindi ako makakapagpatuloy sa isang araw nang di nagsusulat. Ewan ko ba. Basta may hawak akong panulat, bira nang bira ang isip at kamay ko. Nagsasayaw sa papel. Kapag wala naman akong hawak na kahit anong panulat, nagsusulat ako sa hangin atsaka ibibilin sa sariling tandaan ang plot dahil baka makalimutan. Kapag hindi naman ako nagsusulat sa papel o sa hangin, nagbabalak naman akong magsulat. Ganoon din, nagsusulat. Sakit ko na yata ang pagsusulat. Umiikot ang sikmura ko kapag alam kong may nakalimutan akong bagay na dapat ay isinulat ko. Halimbawa ay 'yung kwento tungkol sa mga magkakapitbahay na nitso sa Loyola Memorial Park. Bigla namang sisikdo ang dibdib ko kapag naalala kong tungkol pala iyon sa laro ng mga kaluluwa--paramihan ng bisita at pabonggahan ng selebrasyon ng Araw ng mga Patay.

Minsan, kahit madaling araw, gigising ako dahil may kakaiba akong panaginip. Isusulat ko yun sandali sa isip ko tapos muli akong pipikit. Kapag naalala ko pa iyon sa umaga isusulat ko pa iyon. Sa gitna ng trabaho, kapag may pumuslit na ideya sa isip ko, magbubukas ako ng blog o di kaya'y MS Word tapos ipagsisigawan ko na ang ideyang iyon sa computer. Maski may kausap ako, basta't may hawak akong papel, hala sige, doodle. May dumaang kahel na kuting, maliit, hinahabol ang langaw. Kahit ano, sinusulat ko.

Adik na yata ako.

Ayokong tigilan ang pagsusulat dahil ayaw rin niya akong tigilan. Quits lang.

Ano nga sa Tagalog ang 'Writing Break'?

No comments:

Post a Comment