Friday, August 20, 2010

Isang Halik at Hanny Chocolate Bars

Natutulala. Ako’y natatawa sa mundo. Kahit anong saklap pala ng nakalipas na araw, tatawa at tatawa ka pa rin. Kasi maraming dahilan para ngumiti. Kahapon, hinalikan ako ni Papa sa pisngi. Hindi ko na mabilang ang taon kung kelan ako huling hinalikan ni Papa. Pagkatapos niya kong halikan, inutusan niya kong bumili ng Hanny sa katabi naming sari-sari store. Sumimangot ako sabay lakad papuntang tindahan.

Pagbalik ko sa bahay, inabot ko kay Papa yung pinabibili niyang tsokolate tapos dumiretso ako sa kusina. Binuksan ko yung ref tapos inilabas ko yung Blueeberry Cheesecake at Coffee Blum cake na pasalubong ko kila Mama galing Trigo Café. Sabay-sabay naming kinain yun nina Mama at Lyn sa sala.

“Napanaginipan daw ng Papa mo na buntis ka. Nakwento niya ba?” tanong ni Mama.

Natulala. Natulalang-natawa ako. Hello, immaculate conception. Paanong mangyayari yun, wala naman akong nakikilalang lalaki? Parang eksena lang sa new testament ang balitang yun ni Mama.

“Baka subconscions lang niya yun, Ma. Hidden desire. Kaso di pa pwede. 24 pa lang ako. Haha,” hirit ko.
Tapos naalala ko yung halik sa pisngi ko ni Papa. Napangiti ako. Ang Papa talaga.

Nung oras na yun, nakaupo si Papa sa bandang pintuan, nakaharap sa labas. Paborito niyang pwesto yun. Siguro gwardya siya nung mga nakalipas niyang buhay. Pero sa buhay niya ngayon, siya ang gwardya ko.
----
Kung bakit dyahe nang magsabi ng I love you ngayon, hindi ko alam. Pero, Pa, mahal kita. ♥

No comments:

Post a Comment