Paano kung ang paglimot ay isa ring daang pabalik sa simula?
Tanong ko yan sa sarili ko sa facebook kanina habang kumakawala ang isip ko sa trabaho. Sinagot naman ito ng isa kong kaibigan ng isa ring tanong: Paano siya magiging daang pabalik?
Paano nga ba? Napatunganga ako habang hinahayaang muling umalpas ang isip ko at dumapo sa samu't-saring paghihinuha.
Sa tingin ko ang paglimot ay nagiging daan pabalik sa simula dahil sa mismong dahilan ng paglimot. Dahil ang dahilan ng pagkagusto sa paglimot ay hindi lamang dahil sa sakit na nararamdaman. Ang dahilan ng pagnanasang makalimot ay upang muling mabisita ang simula kung saan wala pang sakit. Kung saan ang bawat hakbang, tantyado man o hindi, ay bumubulag sa mga mata. Kung saan may pangako pa ng saya.
Gusto mong kalimutan ang sakit at ang tao o bagay na may dala ng sakit pero ayaw mong bitiwan ang pangako ng sayang hawak mo simula pa nung una. Gusto mong lumimot pero ayaw mong bitiwan ang pag-asa.
Kaya bumabalik ka sa simula. Parehong pag-asa. Maaaring sa pareho o ibang tao o bagay, pero parehong hinahangad, parehong paraan. Kaya ka bumabalik sa simula. At inuulit mo lang ang sakit. Inuulit mo ang sakit hanggang sa hindi mo na ito maramdaman. Hanggang sa pati ang dahilan kung bakit mo ito inuulit ay hindi mo na rin nararamdaman.
Sabi ng makatang si Pablo Neruda, "Maikli ang pag-ibig, ngunit ang paglimot, kay-tagal." Dahil ang totoo, ayaw nating bumitaw. ♥
No comments:
Post a Comment