Saturday, February 27, 2010

Sa paghahanap, dapat Walang Sugat

Ang nakalipas na gabi ay gabi ng Walang Sugat. Kasama si CCP, aming pinanood ang pagtatanghal ng isang sarswela ni Severino Reyes o mas kilala sa tawag na Lola Basyang. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakapanood ako ng isang sarswela. Kulang ang salitang mahusay upang ilarawan ang kabuuan ng presentasyon.

Ang sarswelang maituturing na comediane humaine ay umiikot sa buhay pag-ibig nina Julia at Kapitan Temyong at sa buhay pag-ibig ng mga Pilipino sa kanilang Inang Bayan. Pinakikita nito kung paanong ang pag-ibig ay tumatagos mula sa tao palabas sa kanyang bayan at mula sa bayan papasok sa tao. Nilalaman ng sarswela ang pag-ibig na nagpapagulong sa ating kasaysayang pansarili at pambayan. Sa saliw ng musikang Pilipino, itinatampok ng sarswela ang kulturang atin at ang paraan ng ating pagsasabuhay ng ating mga damdamin. 

Sa bandang huli, ipinakikita ng sarswela na ang busilak na pag-ibig ay walang sugat. Nasasaktan, nalilito, nabubulagan, nasisiyahan, nalulungkot, nangungulila, nananabik, ngunit nananatiling walang sugat.

Sa sasakyan pauwi kagabi, napagkasunduan namin ni CCP na hanapin ang may-ari ng katauhan ni Kapitan Temyong. Sadyang nakakaakit ang kanyang tinig at ang kanyang tindig. Sino kaya si ANF? 

Kasabay niyon, naisip kong sa kabila ng pagnanaknak ng sugat ng bayan, kailangang manatiling walang sugat ang pag-ibig natin para dito. Alagaan natin ang pag-ibig na ito. Upang sa pang-araw-araw na buhay, ay mayroon tayong sapat na lakas upang lumaban. 




No comments:

Post a Comment