Para sa akin, isa lang ang EDSA. At iyon yung naganap 24 na taon na ang nakaraan.
Kinikilala ko ang rebolusyong itong sinilaban ng kagutuman hindi ng tiyan ng kapangyarihan kundi ng diwa at kaluluwa ng isang bayang iniluwal sa kahirapan. Nang mga panahong iyon, ang lumaban ay para sa bayan. Hindi para labanan ang isang tao o pamilya, kundi para labanan ang pwersang nagdudulot ng uri ng tao o pamilyang kumakamkam sa lahat ng maaaring kamkamin. Ang lumaban noon ay para itaya ang buhay para sa kalayaan mula sa pagkabulag.
Hindi tulad ng ibang EDSA na naging labanan ng tao sa tao, ng politiko sa politiko, ng walang pag-asang maidudulot laban sa isa pang wala ring maidudulot na tama.
Hindi ako naniniwala sa ibang EDSA maliban sa EDSAng kinamulatan ko simula noong 2 buwang gulang pa lamang ako. May mga kung anong nagliliparang maingay sa itaas ng bubong namin, at may kulay dilaw. At may isang balong nakadilaw ang naglakas loob humarap sa taumbayan. Hindi niya kailangan ng kapangyarihan ngunit kinailangan niya ito para samahan ang bayan sa laban.
Ang mga sumunod na EDSA ay gaya-gaya lang. Totoong pag-aaklas, pero kulang sa rebolusyon. Walang dilaw. May layas, walang laya.
Ang EDSAng nangyari 24 taong na lumipas, ay makapangyarihan. Nabigyan nito ng damit ang bayan. Manipis pero sapat na para sabihing mahirap man ay may dangal.
No comments:
Post a Comment