Nakausap ko si Lola kagabi matapos ang mahabang panahon na rin ng di namin pagpapansinan dahil masyado akong lango sa trabaho at trabaho, di ko inakalang mag-fi-field trip pala kami sa probinsya at Kalookan kung saan nakatira ang mga ebidensya ng kanyang mga alaala. Hindi kasi kita nakita. Paalis ka na nung dumating ako. Di mo na nahintay akong magsalita nang maayos.
Di ko man lang naitanong sayo kung pwede mo ba kung isama sa fire truck mo tuwing reresponde kayo sa sunog ng mga kasama mo. O kaya kung pwede mo rin ba akong turuang kumanta katulad nung kantang tinuro mo sa tatay ko nung maliit pa siya,di na maalala ni Lola ang pamagat ng kantang yun. Sinubukan niyang kantahin pero di ko na maintindihan ang tono niya, parang tunog ng maluwag na string ng gitara. Tumugtog ka rin daw ng gitara at magaling ka pang sumayaw. Sabi ni Lola madalas ka raw maimbitahan noon sa mga sayawan. Kaya ka ba naging babaero? Playboy ka raw sabi ni Lola. Madalas mo raw siyang daanan sa Prime (patahian kung saan nananahi si Lola) pagkagaling mo sa munisipyo at sabay kayong uuwi. Siguro mahal mo si Lola. Siguro. Kasi nagkaron kayo ng 4 na anak. Tatlo sa apat na yun, sayo kumuha ng itsura at ugali. Nakopya ni Papa halos lahat sa'yo, pati ang boses mo.
Alam mo bang ang boses ni Papa ang gumigising sakin pag tulog ako, literal tsaka hindi. Kapag tulog ang diwa ko, naibabalik yun ng boses ni Papa. Kaya pala, boses mo rin pala yun.
Sabi ni Lola, dinalhan mo siya ng makinang may motor nung dinalaw mo siya sa Bicol, pagkatapos niyong maghiwalay o pagkatapos kayong "paghiwalayin ng tadhana", sabi nga ni Lola. Gusto ko sanang itanong kay Lola kung mahal ka pa rin ba niya pagkatapos ng lahat?
Hinihimas-himas ni Lola ang kaliwang braso ko habang nag-uusap kami. Tinitingnan niyang parang telang tatahiin ang braso ko.
"Ganitong-ganito ang braso ni Guiller, mabalahibo," sabi ni Lola.
Pag tumitingin ako sa braso ko ngayon, naiisip kong di mo pala ko iniwan.
No comments:
Post a Comment