Sunday, March 21, 2010

Ngayong gabi, nakilala ko si Kit

Mahiwaga raw ang bawat bagong pagkilala. Ngayong gabi, muli kong natuklasan ang katotohanang iyon. Nakilala ko si Kit. Isa siyang bulag na nagtitinda ng gulay sa umaga at balot sa gabi sa mga kalye ng lugar namin. Sa unang mga salitang sinabi niya ay napansin ko na ang pagka-matalino't bibo niya. Nalaman ko mula sa maikling pag-uusap namin sa gilid ng bahay ng kaibigan ko kung saan siya tumutuloy na galing pala siyang Bicol. Meron siyang 6 na kapatid na naiwan doon. Gusto niya silang kunin kung kaya't nagpupursige siya sa pagtatrabaho. Malapit si Kit sa simbahan. Aktibo siya sa mga samahan lalo na sa pagkanta at pag-aaral ng bibliya. Sa totoo lang, wala pa akong nakitang bulag na kasing-tingkad ng pagkatao niya. Simple at totoo. Mas totoo pa sa mga taong may paningin. Walang pigil niyang kinuwento ang mga pananaw niya sa buhay. Dalawa sa mga ito ay:

1. Kung may pera, wag nang magpatumpik-tumpik. Iinvest agad ito para lumago dahil mabilis mawala ang perang nasa kamay.
2. Huwag magdalawang-isip sa planong makabubuti sa iyo.

Higit sa lahat, nakita niya ang di nakikita ng ibang tao sa akin. Hinulaan niya ako. Ang sabi niya: Ituloy mo ang planong makabubuti sa iyo. Huwag mong ituloy kung di mo pinag-isipan. Huwag mong iiwan ang mga obligasyon mo dahil iyan ang makakapagpasaya sayo.

Eksakto. Ilang oras bago ko siya makausap, nag-mumuni-muni ako. Iiwan ko na ba ang ngayon? Malinaw ang sagot-- hindi pa oras. Simple lang, dahil masaya pa ako dito. Masaya pa ko dito dahil alam kong dito ako tinawag-- para maglingkod sa abot ng aking makakaya bilang bagong salta sa tunay na mundo. Dito, kung saan maraming paraan para lumago, maraming posibilidad para sumaya. Dito, malaya akong pumili ng mga gusto kong gawin na ayon sa tawag ng puso. Hindi kasing exciting marahil ng pag-akyat ng bundok o pagsisid sa pusod ng dagat, pero sing simple ng pagpasok sa buhay ng mga tao sa paligid ko para maging bahagi ng kanilang ngiti. 

Gusto ko uli siyang makasalamuha. Marami siyang maaaring ituro sa akin.

Happiness's pursuit of me


Hey, happiness keeps pursuing me. 

Thursday, March 18, 2010

Kung bakit iba ang bintana ng aking silid

Ako ang dinudungaw 
ng mga dahon ng papaya
na pumapasok 
sa mga siwang 
ng bisagra.

Wednesday, March 17, 2010

Girl Bestfriends

Hindi ko matandaan kung kelan ako nagsimulang mag-isa sa lahat ng lakad sa mga lugar na pinupuntahan ko. Ang alam ko kasi, sanay akong may kasama. Lumaki akong may kakambal. Iyon bang tinatawag na "bestfriend". Grade 1 pa lang ako, meron na akong madalas kasama, kasabay mag-recess, kasabay lumabas ng gate ng school, kasamang mag-Ten-Twenty, at kasamang nang-aaway sa mga sutil na mga kaklaseng lalaki. Madalas ko noong puntahan sa bahay nila si Gicel. Sinasamahan ko lang siyang kumuha ng tubig o kaya ng naiwang baon, tapos babalik na kami sa school kung saan naghihintay ang masungit naming teacher. Tuwing uwian, sabay kaming bibili ng kung anu-anong tinda sa labas ng gate. Mahilig siya sa ice scramble atsaka palamig. Sinasama niya ako sa tindahan ng Tita niya sa ibaba ng school at doon ay libre kaming makakainom ng palamig na iba't-iba ang kulay. Kay sarap!

Grade 3 kami nung nagsimulang dumalas ang pag-absent ni Gicel. Bihira na kong mag-Ten-Twenty dahil wala akong kakampi. Isang araw dumating ang Lola Gloria niya sa room namin, umiiyak. Nasa ospital raw ang kaibigan ko, patay na. 

Isang beses ko lang dinalaw si Gicel sa burol niya. Mukha pa rin siyang anghel. Inihatid siya ng buong klase sa huling hantungan niya. Hindi ako sumama.

Nagpatuloy ang buhay. Tuwing Undas, palagi kong isinusulat ang pangalan niya sa listahan ng mga patay na pinagdarasal ng buong pamilya.

May isang batang galing sa Section 2 ang lumipat sa section namin. Dahil Rances ang apelyido niya, sa table namin siya napabilang. Isang apelyido lang ang pagitan naming dalawa kaya halos magkatabi kami sa upuan. Nang malipat ang Santos sa kabilang section, tuluyan na kaming nagkatabi at mula noon ay di na naghiwalay. Sabay kaming kumain, maglaro, magbasa, at sumali sa choir na inatrasan ko dahil sinabihan akong boses ipis ng choir master. Iyon ang panahong alam ko na ang salitang bestfriend kaya minarkahan namin ang isa't-isa bilang matalik na magkaibigan. Maging ang una naming naging crush, mag-bestfriend.

Pinaghiwalay kami ng graduation. Napunta ako sa Roosevelt, siya sa NCBA. Nagsusulatan pa rin kami hanggang maging parehong busy sa sariling buhay-buhay. Huling kita namin ay noong 10th year reunion ng klase nung gradeschool. Hindi na kami tulad ng dati na di tatayo sa upuan kung wala ang isa. 

Isang bagong bestfriend ang natuklasan ko nung high school. "Natuklasan" dahil matagal ko na siyang kilala. Magkababata kami. Nagkataong sa school niya ako nag-enroll nung high school kaya napadalas na sabay kaming pumapasok at umuuwi. Di iilang pagkakataon din kaming napagkamalang magkambal. Siguro ay dahil pareho kami ng taas, kulay ng balat at haba ng buhok. Di kami umuuwi nang di kasama ang isa. Kung may PE naman ang isa, ay tagabitbit ng damit pauwi ang isa. Alam namin ang latest sa buhay ng isa't-isa. Alam ng mga kwarto namin ang aming mga teeny-bopper secrets. Ganun kami hanggang nung mga unang dalawang taon ng kolehiyo.

Isang araw, iba na ang tabas ng buhok niya. Napadalang na ang pagpunta namin sa bahay ng isa't-isa. Ilang taon ang lumipas at nagpunta na siya ng Hongkong. Hindi siya nagpaalam sakin. Biglaan daw kasi. Pero nag-uusap pa rin kami sa Facebook.

Kanina habang nasa jeep papuntang opisina, naalala ko ang mga bestfriends ko at kung gaano kabilis ang pagpapalit ng panahon. Ngayon, sanay na pala kong mag-isa. Pero gayunpaman, punong-puno ng mga kasiyahan at kwentong magbestfriends ang puso ko. Bahagi sila ng buhay kong di mabubura kailanman.

Somewhere out there

Somewhere out there. Singing somewhere.

Saturday, March 13, 2010

On Burdens

A young woman on a journey once complained, "I couldn't go on anymore. This world is too heavy a burden for me."

To this the World replied, "Young woman, you must remember, you are standing on my grounds."

Wednesday, March 3, 2010

Kay Pambura

Naiinggit ako kay papel
kasi meron siyang katulad mo.