Mahiwaga raw ang bawat bagong pagkilala. Ngayong gabi, muli kong natuklasan ang katotohanang iyon. Nakilala ko si Kit. Isa siyang bulag na nagtitinda ng gulay sa umaga at balot sa gabi sa mga kalye ng lugar namin. Sa unang mga salitang sinabi niya ay napansin ko na ang pagka-matalino't bibo niya. Nalaman ko mula sa maikling pag-uusap namin sa gilid ng bahay ng kaibigan ko kung saan siya tumutuloy na galing pala siyang Bicol. Meron siyang 6 na kapatid na naiwan doon. Gusto niya silang kunin kung kaya't nagpupursige siya sa pagtatrabaho. Malapit si Kit sa simbahan. Aktibo siya sa mga samahan lalo na sa pagkanta at pag-aaral ng bibliya. Sa totoo lang, wala pa akong nakitang bulag na kasing-tingkad ng pagkatao niya. Simple at totoo. Mas totoo pa sa mga taong may paningin. Walang pigil niyang kinuwento ang mga pananaw niya sa buhay. Dalawa sa mga ito ay:
1. Kung may pera, wag nang magpatumpik-tumpik. Iinvest agad ito para lumago dahil mabilis mawala ang perang nasa kamay.
2. Huwag magdalawang-isip sa planong makabubuti sa iyo.
Higit sa lahat, nakita niya ang di nakikita ng ibang tao sa akin. Hinulaan niya ako. Ang sabi niya: Ituloy mo ang planong makabubuti sa iyo. Huwag mong ituloy kung di mo pinag-isipan. Huwag mong iiwan ang mga obligasyon mo dahil iyan ang makakapagpasaya sayo.
Eksakto. Ilang oras bago ko siya makausap, nag-mumuni-muni ako. Iiwan ko na ba ang ngayon? Malinaw ang sagot-- hindi pa oras. Simple lang, dahil masaya pa ako dito. Masaya pa ko dito dahil alam kong dito ako tinawag-- para maglingkod sa abot ng aking makakaya bilang bagong salta sa tunay na mundo. Dito, kung saan maraming paraan para lumago, maraming posibilidad para sumaya. Dito, malaya akong pumili ng mga gusto kong gawin na ayon sa tawag ng puso. Hindi kasing exciting marahil ng pag-akyat ng bundok o pagsisid sa pusod ng dagat, pero sing simple ng pagpasok sa buhay ng mga tao sa paligid ko para maging bahagi ng kanilang ngiti.
Gusto ko uli siyang makasalamuha. Marami siyang maaaring ituro sa akin.
No comments:
Post a Comment