Wednesday, March 24, 2010

Boto-boto

Nagkaroon ng mock elections sa UP. Ayon sa resulta, si Villar ang iboboto ng karamihan ng mga taga-UP kung sakaling ngayon na ang eleksyon. Oo, nga't may sariling opinyon ang mga kaeskwela ko. Gayundin naman ako. Napataas ang kilay ko sa balita. Ang problema ay ang mismong resulta. Ano na ang nangyari sa political consciousness ng sinasabing mga cream of the crop? Kung ang kandidato ng cream of the crop ay yung maykayang magpalast-song syndrome sa mga botante, mukhang may problema tayo niyan.

Hindi kasi iyon ang itinuturo ng UP. Sa pagkakaalam ko, lalo na sa kolehiyong pinanggalingan ko, pumipili ng kandidato ang mga taga-UP batay sa kapasidad nitong magdala ng pagbabago at pagtatama sa mga baluktot. Hindi sa kakayahang magbaluktot halimbawa ng kalsada para maiba ang daan. Sa mga palihan sa klase, ayaw ng mga isko at iska ng korapsyon. Maliban na lang kung totoo ang kasabihang iba ang teorya sa praktikal.

Wala nang mahigop na magandang balita pagdating sa eleksyon nitong mga nakalipas na araw. Parang nilagang buto-buto, puro sabaw, walang laman.

Kanina habang nakasakay ako sa tricycle palabas ng lugar namin, nakakita ako ng dilaw na laso. Para sa karamihan ng mga Pilipino, ang ibig sabihin niyon ay kalayaan at katapangan ng mga Pilipino. Ibig sabihin daw niyon ay pagiging malaya ng bayan. Iisa tayo at ang bayang iyan. Tayo ang nakulong sa sarili nating pag-iisip, tayo ang naapi ng sarili nating sistema. 

Ayokong pakain sa sistema. Hangga't maaari, ayokong palamon sa alon.

No comments:

Post a Comment