Showing posts with label Walking University. Show all posts
Showing posts with label Walking University. Show all posts

Wednesday, March 30, 2011

Namimiss ko na ang hardcore na paglikha

Ibig kong sabihin, ang pagsusulat, namimiss ko na. Yung pagsusulat para magpahayag ng katotohan.Noong kolehiyo ako, journalism ang kurso ko. Gusto ko ang pagsusulat at ang mismong propesyon ng pagbabalita. Hindi nga lang iyon ang pinasok kong propesyon dahil sa academe ako tumuloy. May kinalaman man sa komunikasyon ang trabaho ko, alam kong malaking bahagi ng inaral ko nung college ang hindi ko na nagagamit sa trabaho. Sinusubukan kong punuan ang kahungkagan sa pamamagitan ng pagba-blog, ng pagsusulat at pag-eedit sa aming parish newsletter, ng pagsusulat at pag-eedit ng mga letters sa opisina, pero alam kong lahat ng ito, hindi kayang tumbasan ang bigat ng pagsusulat para sa pamamahayag na dala-dala ko. 

------

Ang lahat ng bagay may kapalit. Dahil gusto kong palawakin pa ang kaalaman ko sa akademya, nag-aaral pa ko ngayon. Kaya nga hindi ko pa mabitiwan ang comforts ng academe. Sa pag-aaral ko, inaasahan kong mas magiging mahusay ako sa field ng communication. Pero hindi maiiwasang magtanong ako, ano kaya'ng meron sa labas ng bakuran na ginagalawan ko? Ano kayang meron sa baba ng burol?

Gusto ko nang bumaba mula sa burol pero alam kong hilaw pa ang oras. 

----
Hindi daw nagloload ang site ko sa laptop ng isa kong kaibigan. Literal :( . 

Wednesday, March 9, 2011

Ang paglalakad ay parang pagpasok sa Unibersidad

Ang paglalakad ay parang pagpasok sa Unibersidad. Magsisimula ka nang dahan-dahan hanggang makasabay ka na sa pagsulong ng paligid. Kagabi, natatakot pa akong maglakad kasi medyo gabi na pero wala naman akong choice kaya nagpatuloy akong maglakad hanggang sa bahay namin. 
Mga tatlumpong minuto rin ng lakaran iyon. Suot ko ang red heels ko pero kiber. Naubusan kasi ako ng baryang pambayad sa tricycle at minalas pang maubusan ng load kaya di na ako nakapagpasundo. Kung sabagay, gusto ko naman talaga ang paglalakad. 
Kaya naglakad nga ako. 
Medyo may kadiliman sa paliko-likong kalsada ng Balara Filters. Manilaw-nilaw ang liwanag mula sa iilang poste ng ilaw. May mga sasakyang dumadaan na nagpapawi ng kaba ko. Ang totoo hindi naman ako masyadong kinabahan dahil alam kong ligtas ang lugar namin. Doon na yata ako lumaki. Nakasanayan ko na ang bawat liko ng Balara Filtration Plant. Doon ako naglalaro tuwing hapon noong bata pa ako.
Habang naglalakad ay may nakasabay akong batang lalaki, nilapitan ko at nakipagkwentuhan ako. Nalaman kong 15 taong gulang na pala siya. Siya si Erwin Garcia. Nakatira sa Blk 2, sa gawing ibaba ng street namin. Hindi na siya nag-aaral kasi tinamad na daw siya. Habang daan nagkukuwento siya at ako din. Sabi niya ang sipag ko raw kasi hindi pa rin ako tumitigil sa pag-aaral samantalang siya ay tinatamad na daw.
Sabi ko baka magbago ang isip niya. Mahalaga ang may tinapos, sabi ko. Napatango lang si Erwin, parang nag-iisip.
Sana napaisip ko siya. Sana sa kanyang pag-iisip ay mapagtanto niyang maigi pa rin ang pagbabalik-eskwela.
Hindi lang iyon ang iisang beses na nakipagkuwentuhan ako sa kasabay kong maglakad na estranghero. Noon din, nakipagkwentuhan ako sa isang babaeng nakipaghiwalay sa asawa niyang binubugbog siya. Sa pamamagitan ng kwento niya, napatunayan niya sa akin na kaya ng babaeng labanan ang domestic violence kung gugustuhin niya.At naniniwala naman ako doon. Kaya nating bumangon mula sa kaapihan, mapababae o mapalalaki man.
Gusto ko pang maglakad muli. Naiisp ko kagabi pag-uwi ang konsepto ng Walking University. Isa akong estudyante ng paglalakad. At masaya ako sa isiping iyon.