Wednesday, March 9, 2011

Ang paglalakad ay parang pagpasok sa Unibersidad

Ang paglalakad ay parang pagpasok sa Unibersidad. Magsisimula ka nang dahan-dahan hanggang makasabay ka na sa pagsulong ng paligid. Kagabi, natatakot pa akong maglakad kasi medyo gabi na pero wala naman akong choice kaya nagpatuloy akong maglakad hanggang sa bahay namin. 
Mga tatlumpong minuto rin ng lakaran iyon. Suot ko ang red heels ko pero kiber. Naubusan kasi ako ng baryang pambayad sa tricycle at minalas pang maubusan ng load kaya di na ako nakapagpasundo. Kung sabagay, gusto ko naman talaga ang paglalakad. 
Kaya naglakad nga ako. 
Medyo may kadiliman sa paliko-likong kalsada ng Balara Filters. Manilaw-nilaw ang liwanag mula sa iilang poste ng ilaw. May mga sasakyang dumadaan na nagpapawi ng kaba ko. Ang totoo hindi naman ako masyadong kinabahan dahil alam kong ligtas ang lugar namin. Doon na yata ako lumaki. Nakasanayan ko na ang bawat liko ng Balara Filtration Plant. Doon ako naglalaro tuwing hapon noong bata pa ako.
Habang naglalakad ay may nakasabay akong batang lalaki, nilapitan ko at nakipagkwentuhan ako. Nalaman kong 15 taong gulang na pala siya. Siya si Erwin Garcia. Nakatira sa Blk 2, sa gawing ibaba ng street namin. Hindi na siya nag-aaral kasi tinamad na daw siya. Habang daan nagkukuwento siya at ako din. Sabi niya ang sipag ko raw kasi hindi pa rin ako tumitigil sa pag-aaral samantalang siya ay tinatamad na daw.
Sabi ko baka magbago ang isip niya. Mahalaga ang may tinapos, sabi ko. Napatango lang si Erwin, parang nag-iisip.
Sana napaisip ko siya. Sana sa kanyang pag-iisip ay mapagtanto niyang maigi pa rin ang pagbabalik-eskwela.
Hindi lang iyon ang iisang beses na nakipagkuwentuhan ako sa kasabay kong maglakad na estranghero. Noon din, nakipagkwentuhan ako sa isang babaeng nakipaghiwalay sa asawa niyang binubugbog siya. Sa pamamagitan ng kwento niya, napatunayan niya sa akin na kaya ng babaeng labanan ang domestic violence kung gugustuhin niya.At naniniwala naman ako doon. Kaya nating bumangon mula sa kaapihan, mapababae o mapalalaki man.
Gusto ko pang maglakad muli. Naiisp ko kagabi pag-uwi ang konsepto ng Walking University. Isa akong estudyante ng paglalakad. At masaya ako sa isiping iyon. 

No comments:

Post a Comment