Friday, March 25, 2011

Walang iwanan at walang sukuan

Matatapos na naman pala ang Marso. Malapit na ang graduation ng kapatid kong BS Biology. Kagabi pinag-usapan namin ni Mama kung gaano nga naman kabilis ang paglipad ng oras. Tatlo na kaming nakakuha ng Baceholor Degrees.

Kung iisipin, napakapalad naming magkakapatid kasi talagang nagsumikap ang mga magulang namin para mapagtapos kami ng pag-aaral sa marangal na paraan. Hindi naman kasi mayaman sa materyal na bagay ang pamilya namin. Pero ang mga magulang ko, ubod ng yaman sa pananampalataya sa Diyos. Kung titingnan ang pinagmulan ng mga magulang ko simula nang buuhin nila ang pamilya namin, halos imposibleng isipin na makakapagpalaki sila ng anim ng anak at makapagpapalago ng mga pangarap sa loob ng dating entresuwelong tinirhan nila. Hangang-hanga ako sa kakayahan nilang magpalago ng mga pangarap sa kabila ng mga paghihirap.

Ngayong malapit nang mag-martsa ang pang-apat sa aming magkakapatid, nararamdaman ko ang saya bilang ate, at lalo na bilang anak ng mga magulang namin.

Malabong mabasa nila ang post na ito, dahil kung nag-oonline man sila ay sa Facebook o Youtube lang. Pero ipapaalam ko pa rin sa kanila na bilib ako sa walang hanggan nilang paniniwala sa mga pangarap namin.

Nasa gitna pa rin kami ng paglalakbay at mahaba pa ang natitirang daan, pero naririnig ko ang boses ni Papa habang naglalakad sa kalye ng buhay, "Walang iwanan at walang sukuan."

No comments:

Post a Comment