Diyan lang sa Tagaytay.
Nakapambahay lang akong damit, nakamaiksing shorts. Nakatulog na ko nang magtext si Ate Chona na tuloy ang random hang-out moment ng PYM sa Treats, Katipunan. Dahil malapit lang samin ang Treats e kinuha ko na lang ang blazer kong puti at nagmadaling ipinatong ito sa suot kong pink na blusa. Kinuha ko ang mga gamit ko sa office bag ko at inilipat sa isang puting bag. Hindi ko na nasimot ang laman at lakad-takbo akong pumunta sa pinaghihintayan sakin nina Ate Chona, Alvin, Oli, Krissy, at Gerald.
Pagdating ko sa Treats, di ko agad sila nakita. Dala ng biglaang paggising, hindi pa nakakondisyon ang utak ko, akala ko naalimpungatan lang ako o kaya ay pinaglalaruan lang nila ako na nasa venue na sila. Dyahe. Biglang nakita ko na si Oli kasunod si Alvin, at ang iba pa.
Nagkuwentuhan sa Treats. Nahati sa dalawang gender ang usapan. Paminsan-minsan nagagawan ng paraan na pag-isahin ang pinagdidiskusyunan. Pero nung humirit ako ng principle sa likod ng tina na nilalagay sa beke e, hinatulan akong panira ng pagkakaisa sa usapan. "Principle?", sabi ni Oli habang salubong ang kilay. Napangiti sina Alvin at Gerald. "Ok, sige, kayo na lang ulit ang mag-usap-usap," sabay guhit ng imaginary line sa pagitan ng mga lalaki at mga babae.
Maya-maya pa, tumayo si Oli. "Tagaytay tayo."
Mga ilang minuto pa nasa loob na kami ng sasakyan niya. Nagkukuwentuhan. Sa loob-loob ko, hindi ako naniniwalang doon kami pupunta. Si Oli kasi may pagka-unpredictable. Pero sa haba ng usapan namin tungkol sa kung anu-anong bagay sa buhay namin-- galing ng Diyos sa pag-arrange ng buhay namin, biyaya ng pagkakakilala namin sa pamamagitan ng PYM, sakit ng mga puso namin na tanggap naming hindi basta-basta mahihilom, mga pangarap at panaginip, mga sugat gawa ng pag-ibig, lovelife ng mga magulang, trabaho at PH Care, mga magagandang artistang babae, pagsali sa ACI, pagbabagong-buhay, babaeng mukhang anghel pero unstable, bulletin board ng PYM, venue ng JAM 4, hang-overs, nanay at tatay, PNPA, mga biglaang lakad-- nakarating kami sa Tagaytay.
Doon nilasap namin ang malamig na samyo ng hangin at binugos namin ang mga mata namin sa kislap ng mga ilaw ng Maynila sa ibaba at mga bituin ng kalangitan sa itaas. Pinuno namin ng mga halakhak at sigaw ang madilim na paligid.
Bumalik din kami sa Maynila. Nag-aalala ang ilan sa amin dahil malamang ay pagagalitan kami ng mga magulang namin. Hindi kasi kami nagpaalam. Hindi naman ako masyadong natakot dahil wala si Papa. Si Papa ang pulis ko at timing na nasa Pampanga siya.
Pag-uwi ko sa bahay, si Mama ang nagbukas ng pinto. "Ano'ng nangyari?" tanong niya. "Ma," sagot ko habang nakangiti, "nag-enjoy kami masyado, nakarating kami sa Tagaytay." Nagulat si Mama pero hindi siya nagalit. Kung di ako nagkakamali, parang naramdaman niya ang saya ko sa dagling pagtakas sa realidad. Pakiramdam ko bago ako matulog ay galing ako sa bagong playground/hide-out na natuklasan namin ng mga kaibigan ko, sa pamumuno ni Oli. Sa sobrang saya at antok, ni hindi ko na nagawang maghilamos o magpalit man lang ng damit.
Alam kong ganoon din ang pakiramdam ng mga kasama ko. Ganoon talaga ang pakiramdam kapag inilalabas ka ng Diyos.
Narito ang ilang mga larawan mula sa phone ni Ate Chona:
No comments:
Post a Comment