Wednesday, March 17, 2010

Girl Bestfriends

Hindi ko matandaan kung kelan ako nagsimulang mag-isa sa lahat ng lakad sa mga lugar na pinupuntahan ko. Ang alam ko kasi, sanay akong may kasama. Lumaki akong may kakambal. Iyon bang tinatawag na "bestfriend". Grade 1 pa lang ako, meron na akong madalas kasama, kasabay mag-recess, kasabay lumabas ng gate ng school, kasamang mag-Ten-Twenty, at kasamang nang-aaway sa mga sutil na mga kaklaseng lalaki. Madalas ko noong puntahan sa bahay nila si Gicel. Sinasamahan ko lang siyang kumuha ng tubig o kaya ng naiwang baon, tapos babalik na kami sa school kung saan naghihintay ang masungit naming teacher. Tuwing uwian, sabay kaming bibili ng kung anu-anong tinda sa labas ng gate. Mahilig siya sa ice scramble atsaka palamig. Sinasama niya ako sa tindahan ng Tita niya sa ibaba ng school at doon ay libre kaming makakainom ng palamig na iba't-iba ang kulay. Kay sarap!

Grade 3 kami nung nagsimulang dumalas ang pag-absent ni Gicel. Bihira na kong mag-Ten-Twenty dahil wala akong kakampi. Isang araw dumating ang Lola Gloria niya sa room namin, umiiyak. Nasa ospital raw ang kaibigan ko, patay na. 

Isang beses ko lang dinalaw si Gicel sa burol niya. Mukha pa rin siyang anghel. Inihatid siya ng buong klase sa huling hantungan niya. Hindi ako sumama.

Nagpatuloy ang buhay. Tuwing Undas, palagi kong isinusulat ang pangalan niya sa listahan ng mga patay na pinagdarasal ng buong pamilya.

May isang batang galing sa Section 2 ang lumipat sa section namin. Dahil Rances ang apelyido niya, sa table namin siya napabilang. Isang apelyido lang ang pagitan naming dalawa kaya halos magkatabi kami sa upuan. Nang malipat ang Santos sa kabilang section, tuluyan na kaming nagkatabi at mula noon ay di na naghiwalay. Sabay kaming kumain, maglaro, magbasa, at sumali sa choir na inatrasan ko dahil sinabihan akong boses ipis ng choir master. Iyon ang panahong alam ko na ang salitang bestfriend kaya minarkahan namin ang isa't-isa bilang matalik na magkaibigan. Maging ang una naming naging crush, mag-bestfriend.

Pinaghiwalay kami ng graduation. Napunta ako sa Roosevelt, siya sa NCBA. Nagsusulatan pa rin kami hanggang maging parehong busy sa sariling buhay-buhay. Huling kita namin ay noong 10th year reunion ng klase nung gradeschool. Hindi na kami tulad ng dati na di tatayo sa upuan kung wala ang isa. 

Isang bagong bestfriend ang natuklasan ko nung high school. "Natuklasan" dahil matagal ko na siyang kilala. Magkababata kami. Nagkataong sa school niya ako nag-enroll nung high school kaya napadalas na sabay kaming pumapasok at umuuwi. Di iilang pagkakataon din kaming napagkamalang magkambal. Siguro ay dahil pareho kami ng taas, kulay ng balat at haba ng buhok. Di kami umuuwi nang di kasama ang isa. Kung may PE naman ang isa, ay tagabitbit ng damit pauwi ang isa. Alam namin ang latest sa buhay ng isa't-isa. Alam ng mga kwarto namin ang aming mga teeny-bopper secrets. Ganun kami hanggang nung mga unang dalawang taon ng kolehiyo.

Isang araw, iba na ang tabas ng buhok niya. Napadalang na ang pagpunta namin sa bahay ng isa't-isa. Ilang taon ang lumipas at nagpunta na siya ng Hongkong. Hindi siya nagpaalam sakin. Biglaan daw kasi. Pero nag-uusap pa rin kami sa Facebook.

Kanina habang nasa jeep papuntang opisina, naalala ko ang mga bestfriends ko at kung gaano kabilis ang pagpapalit ng panahon. Ngayon, sanay na pala kong mag-isa. Pero gayunpaman, punong-puno ng mga kasiyahan at kwentong magbestfriends ang puso ko. Bahagi sila ng buhay kong di mabubura kailanman.

Somewhere out there

Somewhere out there. Singing somewhere.

Saturday, March 13, 2010

On Burdens

A young woman on a journey once complained, "I couldn't go on anymore. This world is too heavy a burden for me."

To this the World replied, "Young woman, you must remember, you are standing on my grounds."

Wednesday, March 3, 2010

Kay Pambura

Naiinggit ako kay papel
kasi meron siyang katulad mo.

Saturday, February 27, 2010

Sa paghahanap, dapat Walang Sugat

Ang nakalipas na gabi ay gabi ng Walang Sugat. Kasama si CCP, aming pinanood ang pagtatanghal ng isang sarswela ni Severino Reyes o mas kilala sa tawag na Lola Basyang. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakapanood ako ng isang sarswela. Kulang ang salitang mahusay upang ilarawan ang kabuuan ng presentasyon.

Ang sarswelang maituturing na comediane humaine ay umiikot sa buhay pag-ibig nina Julia at Kapitan Temyong at sa buhay pag-ibig ng mga Pilipino sa kanilang Inang Bayan. Pinakikita nito kung paanong ang pag-ibig ay tumatagos mula sa tao palabas sa kanyang bayan at mula sa bayan papasok sa tao. Nilalaman ng sarswela ang pag-ibig na nagpapagulong sa ating kasaysayang pansarili at pambayan. Sa saliw ng musikang Pilipino, itinatampok ng sarswela ang kulturang atin at ang paraan ng ating pagsasabuhay ng ating mga damdamin. 

Sa bandang huli, ipinakikita ng sarswela na ang busilak na pag-ibig ay walang sugat. Nasasaktan, nalilito, nabubulagan, nasisiyahan, nalulungkot, nangungulila, nananabik, ngunit nananatiling walang sugat.

Sa sasakyan pauwi kagabi, napagkasunduan namin ni CCP na hanapin ang may-ari ng katauhan ni Kapitan Temyong. Sadyang nakakaakit ang kanyang tinig at ang kanyang tindig. Sino kaya si ANF? 

Kasabay niyon, naisip kong sa kabila ng pagnanaknak ng sugat ng bayan, kailangang manatiling walang sugat ang pag-ibig natin para dito. Alagaan natin ang pag-ibig na ito. Upang sa pang-araw-araw na buhay, ay mayroon tayong sapat na lakas upang lumaban. 




Thursday, February 25, 2010

Isang EDSA


Para sa akin, isa lang ang EDSA. At iyon yung naganap 24 na taon na ang nakaraan. 

Kinikilala ko ang rebolusyong itong sinilaban ng kagutuman hindi ng tiyan ng kapangyarihan  kundi ng diwa at kaluluwa ng isang bayang iniluwal sa kahirapan. Nang mga panahong iyon, ang lumaban ay para sa bayan. Hindi para labanan ang isang tao o pamilya, kundi para labanan ang pwersang nagdudulot ng uri ng tao o pamilyang kumakamkam sa lahat ng maaaring kamkamin. Ang lumaban noon ay para itaya ang buhay para sa kalayaan mula sa pagkabulag.

Hindi tulad ng ibang EDSA na naging labanan ng tao sa tao, ng politiko sa politiko, ng walang pag-asang maidudulot laban sa isa pang wala ring maidudulot na tama. 

Hindi ako naniniwala sa ibang EDSA maliban sa EDSAng kinamulatan ko simula noong 2 buwang gulang pa lamang ako. May mga kung anong nagliliparang maingay sa itaas ng bubong namin, at may kulay dilaw. At may isang balong nakadilaw ang naglakas loob humarap sa taumbayan. Hindi niya kailangan ng kapangyarihan ngunit kinailangan niya ito para samahan ang bayan sa laban. 

Ang mga sumunod na EDSA ay gaya-gaya lang. Totoong pag-aaklas, pero kulang sa rebolusyon. Walang dilaw. May layas, walang laya.

Ang EDSAng nangyari 24 taong na lumipas, ay makapangyarihan. Nabigyan nito ng damit ang bayan. Manipis pero sapat na para sabihing mahirap man ay may dangal.

Wednesday, February 24, 2010

Wanted: Crush


It’s been lightyears since I had a serious crush. By serious crush, I mean, someone who actually exists in my existing life. Not one who’s gone and done, not one who’s there but will never be.
The last time  I had a serious crush,  I crashed. But then life is about making mistakes and correcting them. And I think there’s no better time to look around but now. It’s gonna be one heck of an effort for me to catch the next one but I’m daring myself.
So my project for this year would be to find one crush. Just one.
Give me this.
(Hilda goes to the front door, grasping a wooden board on the left hand, on the right, a nail and hammer. Tok, tok, tok. Gets done. On her door now hangs the board inscribed with the words:  "Wanted: Crush”)