Hindi ko matandaan kung kelan ako nagsimulang mag-isa sa lahat ng lakad sa mga lugar na pinupuntahan ko. Ang alam ko kasi, sanay akong may kasama. Lumaki akong may kakambal. Iyon bang tinatawag na "bestfriend". Grade 1 pa lang ako, meron na akong madalas kasama, kasabay mag-recess, kasabay lumabas ng gate ng school, kasamang mag-Ten-Twenty, at kasamang nang-aaway sa mga sutil na mga kaklaseng lalaki. Madalas ko noong puntahan sa bahay nila si Gicel. Sinasamahan ko lang siyang kumuha ng tubig o kaya ng naiwang baon, tapos babalik na kami sa school kung saan naghihintay ang masungit naming teacher. Tuwing uwian, sabay kaming bibili ng kung anu-anong tinda sa labas ng gate. Mahilig siya sa ice scramble atsaka palamig. Sinasama niya ako sa tindahan ng Tita niya sa ibaba ng school at doon ay libre kaming makakainom ng palamig na iba't-iba ang kulay. Kay sarap!
Grade 3 kami nung nagsimulang dumalas ang pag-absent ni Gicel. Bihira na kong mag-Ten-Twenty dahil wala akong kakampi. Isang araw dumating ang Lola Gloria niya sa room namin, umiiyak. Nasa ospital raw ang kaibigan ko, patay na.
Isang beses ko lang dinalaw si Gicel sa burol niya. Mukha pa rin siyang anghel. Inihatid siya ng buong klase sa huling hantungan niya. Hindi ako sumama.
Nagpatuloy ang buhay. Tuwing Undas, palagi kong isinusulat ang pangalan niya sa listahan ng mga patay na pinagdarasal ng buong pamilya.
May isang batang galing sa Section 2 ang lumipat sa section namin. Dahil Rances ang apelyido niya, sa table namin siya napabilang. Isang apelyido lang ang pagitan naming dalawa kaya halos magkatabi kami sa upuan. Nang malipat ang Santos sa kabilang section, tuluyan na kaming nagkatabi at mula noon ay di na naghiwalay. Sabay kaming kumain, maglaro, magbasa, at sumali sa choir na inatrasan ko dahil sinabihan akong boses ipis ng choir master. Iyon ang panahong alam ko na ang salitang bestfriend kaya minarkahan namin ang isa't-isa bilang matalik na magkaibigan. Maging ang una naming naging crush, mag-bestfriend.
Pinaghiwalay kami ng graduation. Napunta ako sa Roosevelt, siya sa NCBA. Nagsusulatan pa rin kami hanggang maging parehong busy sa sariling buhay-buhay. Huling kita namin ay noong 10th year reunion ng klase nung gradeschool. Hindi na kami tulad ng dati na di tatayo sa upuan kung wala ang isa.
Isang bagong bestfriend ang natuklasan ko nung high school. "Natuklasan" dahil matagal ko na siyang kilala. Magkababata kami. Nagkataong sa school niya ako nag-enroll nung high school kaya napadalas na sabay kaming pumapasok at umuuwi. Di iilang pagkakataon din kaming napagkamalang magkambal. Siguro ay dahil pareho kami ng taas, kulay ng balat at haba ng buhok. Di kami umuuwi nang di kasama ang isa. Kung may PE naman ang isa, ay tagabitbit ng damit pauwi ang isa. Alam namin ang latest sa buhay ng isa't-isa. Alam ng mga kwarto namin ang aming mga teeny-bopper secrets. Ganun kami hanggang nung mga unang dalawang taon ng kolehiyo.
Isang araw, iba na ang tabas ng buhok niya. Napadalang na ang pagpunta namin sa bahay ng isa't-isa. Ilang taon ang lumipas at nagpunta na siya ng Hongkong. Hindi siya nagpaalam sakin. Biglaan daw kasi. Pero nag-uusap pa rin kami sa Facebook.
Kanina habang nasa jeep papuntang opisina, naalala ko ang mga bestfriends ko at kung gaano kabilis ang pagpapalit ng panahon. Ngayon, sanay na pala kong mag-isa. Pero gayunpaman, punong-puno ng mga kasiyahan at kwentong magbestfriends ang puso ko. Bahagi sila ng buhay kong di mabubura kailanman.