"If only I could turn back the hands of time, I would have been a wiser person."
Iyan ang sinabi ni Lola sakin nung minsang nagkwentuhan kami sa kwarto namin. Tinukoy niya ang pagiging sobrang bukas niya pagdating sa pera sa kanyang mga anak, dahilan kung bakit ngayon ay wala siya ni isang kusing sa kanyang bulsa.
Noong malakas pa ang Lola, napakasipag niyang mananahi. Bawat damit na dumadaan sa kanyang makina ay nagiging obra maestra niya. Kilala siya sa kanilang tailoring shop sa Miriam bilang 'Nang Gie.' Malapit siya sa kanilang mga supervisors dahil sa angking galing niya. Kasabay niyon syempre ay ang bilis ng pagpasok ng pera kay Lola.
Kung anong bilis kumita ni Lola, ay siyang bilis naman niyang gumastos. Bigay dito, bigay doon sa mga anak niyang babae na may mga sarili ng pamilya. Ayon sa kanya, mali daw pala iyon. Dapat nagtira rin siya sa kanyang sarili. Ngayon tuloy na matanda na siya ay wala man lang madukot ni singko tuwing nagkakasakit siya.
Bilang isang baguhan sa mundo ng mga manggagawa, tumatak sa isip ko ang mensaheng iyon ni Lola. Kailangang magtipid.
"Spend a little less than what you earn," dagdag pa ni Lola.
Inilapat ko ang leksyong iyon sa buhay ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kuripot ako pagdating sa sarili ko. Ayokong bumili ng mga bagay na di ikasusulit ng pera. Kung gagastos man ako, sisiguraduhin kong investment ang pupuntahan ng pera ko. Tulad ng pag-aaral ng mga kapatid ko. Kahit gusto kong bumili ng libro tuwing sweldo, pipigilan ko ang sarili ko. Iniisip ko palagi ang mga mas mahalagang bagay tulad ng kinabukasan.
Mahirap ang buhay sa ngayon. Lalo na siguro bukas kung magwawaldas ako ngayon. Kaya dapat magtipid at mag-ipon. Tama si Lola, dapat isipin ko rin ang bukas. Mali ang magpasanay sa mga tao na palagi kang mayroon dahil matututo silang umasa. Tulad ng ilan sa mga anak ng Lola, naghihikahos sila ngayong wala nang hanapbuhay ang kanilang ina. Nahihirapan silang magpatuloy.
Ang bawat tao sa ating buhay ay isang buhay na leksyon.
Marami nang naituro sa akin ang Lola.