Thursday, May 26, 2011

Paghabol

Kanina, nasa bahay yung mga pamangkin ko. May hawak na baril-barilan yung apat na taon kong pamangking lalaki, sabi niya, "Tita, babarilin ko yung bag mo!" Napatigil ako at tiningnan ko siya, nagsasalita na ang dati'y tahimik lang na dumedede sa isang sulok ng bahay namin. Napatingin ako sa mga kapatid niya, ang lalaki na nilang lahat. Suot ng panganay yung isa kong sandals habang naglalaro. Halos matakpan na ng buo niyang paa yung sandals ko.

Umuusad na ang mga taon.

Madalas kong banggitin nitong mga nakalipas na araw na tumatanda na ko. Yung mga problema lang dati ni Mama at Papa, iniisip ko na rin ngayon at siguro, sa dami ng plano ko pa sa buhay, higit pa. Pakiramdam ko bigla ay naghahabol ako. Dati nauunahan ko ang panahon. Ngayon, mas madalas kong nahuhuli ang sarili kong naghahabol dito.

Hindi ko na maalala ang oras na nagsabay kami ng orasan. Parang hindi yata nangyari yun sa buong buhay ko. Kung di ako nauuna ay nahuhuli naman ako. Nitong mga nakalipas na araw, mas nahuhuli na ako.

Sinusubukan kong bilisan ang mga hakbang ko, pero hindi ko naman alam kung saan ako dadalhin ng mga ito. Ang alam ko lang, kailangan kong habulin ang oras. Ang pupuntahan ba ng buhay ay isang pagkakataon o isang lugar? Naisip ko kanina, baka mali ang hinahabol ko.

No comments:

Post a Comment