Sa kanya-kanya nating paglalakbay sa buhay, may kanya-kanya tayong dalang bigat sa ating mga puso. Paminsan-minsan, may mga bagay na sa tingin natin mas madali kung bibitiwan na lang. Katulad ng paglilingkod sa Kanya.
Ganyan ang pakiramdam ko nung bago ako umakyat sa Dizon House. Gusto ko nang bumitaw. Pakiramdam ko kasi kay rami-raming hinihingi sa akin ng Diyos. Kay rami kong dapat isaalang-alang sa lahat ng desisyon na kailangang kong gawin.
Bilang pinuno ng aming youth ministry sa parokya, maraming mga bagay ang dapat ay natutugunan ko ng pansin. Maliban sa mga gawain na kailangang mapagtagumpayan, nariyan pa ang mga kapwa kabataan na kailangang samahan. Sa gitna ng mga gawain, kailangang mag-ingat na wala kang nasasagasaang damdamin dahil anuman ang maging reaksyon ko ay may malaking implikasyon sa buong grupo.
Sa lahat ng oras, kailangang maging maingat at sensitibo sa pangangailangan ng lahat. May mga pagkakataong may mga nalilimutan akong pagtuunan ng pansin na humihiwa sa pagkakaibigan. Gayunman, maraming bagay ang tumatawag pa sa aking atensyon—trabaho at propesyon, pag-aaral, pamilya at kung anu-ano pa—kung kaya’t tuluyan ko nang naisasantabi ang mga ilang mahahalagang bagay. Oo, maging ang aking sarili.
Kung kaya’t hindi nakapagtatakang dumating ako sa puntong gusto ko nang magbalot ng mga gamit pabalik sa Quezon City nang hapong iyon sa Dizon House. Sa isip ko, kaya na nilang pasulungin ang youth ministry. Hindi na nila ako kailangan. Hindi ko na rin kailangan ang mga hirap na pinagdaanan ko. Kailangan ko nang magbawas.
Habang nakapiring ang mga mata ko noong isinasagawa ang circle activity, iisa lang ang tumatakbo sa isip ko, “Ayoko na. Hanggang dito na lang.” Hanggang sa tinawag kami upang kapain ang daan pabalik sa bilog, hindi ako gumalaw mula sa kinatatayuan ko. Matunog ang mga salitang “Ayoko na.”
Hinila ako ng dalawang malalakas na kamay ng mga kasama ko na kapwa naghahanap ng daan pabalik. Naramdaman ko sa mga kamay na iyon ang pagkukumahog na mabuo ang bilog, simbulo ng pagkakabuo ng aming youth ministry. Habang malayang nag-aalpasan ang mga patak ng luha sa mga mata ko, hinayaan kong dalhin nila ako. At pagkatapos, kinapa ko rin ang iba pa. Iisa lang ang gusto ko ng mga oras na ‘yun, gusto kong mabuo ang bilog.
Nang alisin ang mga piring, isang malaking bilog na pinagtali ng magkakahawak na mga kamay ng mga kabataang may kanya-kanyang bigat sa buhay ang nakita ko—mga kabataang piniling maglingkod sa kabila ng hirap at pag-aalinlangan, mga kabataang naglakas-loob talikuran ang sarili para harapin ang kapwa at ang Diyos.
Naitanong ko tuloy sa aking sarili: Ito ba ang grupong bibitiwan ko?
Tiyak ko na ang sagot: Hindi.
At tulad nila, mananatili akong bahagi ng bilog.
-h
(Ang post na ito ay bahagi ng serye ng posts na naglalaman ng aking sariling pagmumuni-muni tungkol sa mga naganap noong 27-29 May 2011 sa Dizon Farm kung saan ginanap ang Teambuilding ng aming Youth Ministry. ♥ )
No comments:
Post a Comment