Ang sumusunod na artikulo ay lubhang personal na atake sa pelikula. Isusunod ko ang intelektwal (kuno) na paghihimay pag humupa na ang emosyon.
Ang umiibig ay naghihintay. Ang naghihintay ay umiibig. Ang paghihintay ay parang pagsasanla ng buhay sa isang bagay na walang katiyakan. Ang pag-ibig ay nagbibigay katiyakan sa mga bagay na walang kasiguraduhan.
Iyan ang naiuwi kong baon mula sa panonood ng Time Traveler's Wife ni Robert Schwentke.
Noong isang linggo pa naming binalak na panoorin ng mga kaopisina ko ang pelikula kaso ay nagkaroon ako ng ibang nakatakdang gawain kaya nakansela. Nagdalawang-isip pa kong sumama kina Mian at Ms. Chanda para panoorin ang pelikula pero balintunot man, tumuloy pa rin ako. Nakalendaryo ko na ang panonood ngayong gabi. Wala nang burahan.
Nagkukumahog kami papuntang SM Marikina. Minadali ni Ms. Chanda ang pagmamaneho. Shortcut dito, shortcut doon. Bumili kami ng pagkain sa Burger King, mabilisan. Takbo papuntang escalator. Nauna na sina Ms. Chanda at Mian. Dumudukot ako ng fries sa plastic habang naglalakad-tumatakbo. May sumingit na mag-nobyo sa harap ko. Ginawang Luneta ang hagdan. Humihinto ang mundo nila samantalang ako, sa likod, nagmamadali.
Nag-uumpisa na ang Time Traveler's Wife nung pumasok kami. Parang bumagal ang mundo sa loob ng sinehan. Kinakapa ng mga mata ko ang daan. Kay hirap ng malabo ang paningin.
Aksidente. Isang batang Henry ang naulila sa ina. Nagpatuloy ang kwento. Isang Matandang Henry ang nakatagpo ng batang Clare. Nagtagpo sila sa iba't-ibang panahon ng kanilang buhay. Normal si Clare. Time-Traveler si Henry. Naghihintay palagi si Clare. Palaging umaalis si Henry. Isa lang ang pagkakatulad nila, umiibig sila-- sa isa't isa.
Ang pag-ibig na iyon ang nagtutulak kay Henry para bumalik kay Clare. Iyon din ang pag-ibig na nagtutulak sa kanya para umalis. Ganoon palagi ang eksena, alis, balik, alis, balik. Hanggang mamatay si Henry. Alis, balik, alis, balik. Palaging umaalis at bumabalik si Henry. Palaging naghihintay si Clare.
Hinatid ako ni Ms. Chanda at ng asawa niya pauwi. Habang naglalakad, nakasabay ko ang 2 mag-nobyo. Yung isang pares, kilala ko. Binati ko sandali. Pagkalampas nila, yumuko ako.
Hinagod ko ng tingin ang madilim na kalsada. Gaano pa kaya katagal ang paghihintay?
No comments:
Post a Comment