Friday, June 26, 2009

Sa libu-libong labong dala mo sa buhay ko at ko sa buhay mo

Sa libu-libong labong dala mo sa buhay ko at ko sa buhay mo
Hindi ko maintindihan kung bakit nagpapakita pa rin ako sa'yo
Nagbabakasakali ba kong makakasundo kita?
Gayong kahit magkaisa ang ating pananaw
magkaibang-magkaiba ang daan nating dalawa

Ikaw papuntang kanan
Ako pakaliwa

Sa libu-libong labong dala mo sa buhay ko at ko sa buhay mo
Hindi ko maintindihan kung bakit naririnig mo pa rin ako
Kahit walang binubusal ang bibig ko
Dinig mo sa pagkunot ng noo ko

Pero di mo pa rin naiintindihan
At gayon din ako naman

Sa libu-libong labong dala mo sa buhay ko at ko sa buhay mo
Nagkakanda-loko-loko na ang trabaho
tuloy pa rin tayo sa paglalarong walang biro
At pagbibirong walang laro

Kaya hindi tayo nalilibang
nagtatrabaho lang.

Thursday, June 18, 2009

Ganito ang ibig sabihin ng iyong paglisang muli

Ganito ang ibig sabihin ng iyong paglisang muli

Isang sanggol ang hindi na ipinanganak

Isang bata ang di natutong maglaro

Isang bintana ang naisara sa pangalawang pagkakataon

Isang awitin ang kinatha ngunit di na tinugtog

Isang tula ang hindi naisulat kaya di naging tula

Isang ngiti ang nagkubli sa mga labi

Isang bituin ang sumabog

Isang bahay ang hindi naitayo kaya tinirhan na lang ng gagamba

Isang manok ang di natutong tumilaok

Isang umaga ang di na sisikat muli.



-h

Thursday, June 11, 2009

Mabuhay Ka!

Mabuhay ka. Wag lang basta-basta huminga.


TAGUBILIN AT HABILIN
Ni Jose F. Lacaba

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

Sa edad kong ito, marami akong maibibigay na payo.
Mayaman ako sa payo.

Maghugas ka ng kamay bago kumain.
Maghugas ka ng kamay pagkatapos kumain.
Pero huwag kang maghuhugas ng kamay para lang makaiwas sa sisi.
Huwag kang maghuhugas ng kamay kung may inaapi
Na kaya mong tulungan.

Paupuin sa bus ang matatanda at ang mga may kalong na sanggol.
Magpasalamat sa nagmamagandang-loob.
Matuto sa karanasan ng matatanda
Pero huwag magpatali sa kaisipang makaluma.

Huwag piliting matulog kung ayaw kang dalawin ng antok.
Huwag pag-aksayahan ng panahon ang walang utang na loob.
Huwag makipagtalo sa bobo at baka ka mapagkamalang bobo.
Huwag bubulong-bulong sa mga panahong kailangang sumigaw.

Huwag kang manalig sa bulung-bulungan.
Huwag kang papatay-patay sa ilalim ng pabitin.
Huwag kang tutulog-tulog sa pansitan.

Umawit ka kung nag-iisa sa banyo.
Umawit ka sa piling ng barkada.
Umawit ka kung nalulungkot.
Umawit ka kung masaya.

Ingat lang.

Huwag kang aawit ng “My Way” sa videoke bar at baka ka mabaril.
Huwag kang magsindi ng sigarilyo sa gasolinahan.
Dahan-dahan sa matatarik na landas.
Dahan-dahan sa malulubak na daan.

Higit sa lahat, inuulit ko:

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

Maraming bagay sa mundo na nakakadismaya.
Mabuhay ka.
Maraming problema ang mundo na wala na yatang lunas.
Mabuhay ka.

Sa hirap ng panahon, sa harap ng kabiguan,
Kung minsan ay gusto mo nang mamatay.
Gusto mong maglaslas ng pulso kung sawi sa pag-ibig.
Gusto mong uminom ng lason kung wala nang makain.
Gusto mong magbigti kung napakabigat ng mga pasanin.
Gusto mong pasabugin ang bungo mo kung maraming gumugulo sa utak.

Huwag kang patatalo. Huwag kang susuko.

Narinig mo ang sinasabi ng awitin:
“Gising at magbangon sa pagkagupiling,
Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing.”
Gumising ka kung hinaharana ka ng pag-ibig.
Bumangon ka kung nananawagan ang kapuspalad.

Ang sabi ng iba: “Ang matapang ay walang-takot lumaban.”
Ang sabi ko naman: Ang tunay na matapang ay lumalaban
Kahit natatakot.

Lumaban ka kung inginungodngod ang nguso mo sa putik.
Bumalikwas ka kung tinatapak-tapakan ka.
Buong-tapang mong ipaglaban ang iyong mga prinsipyo
Kahit hindi ka sigurado na agad-agad kang mananalo.

Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!

Tuesday, June 9, 2009

Wish Wash

I wished
for
the
sun

but

you gave
me
rain.

-h

Monday, June 8, 2009

Rainy Days and Mondays

Rainy days won't let me down. Much more Mondays.

Despite the storms, I would always want to wake up every Monday morning for it ushers either of the two-- an ending or a new beginning.

If it's an ending, sadness might creep from within but it would eventually turn into a pebble of precious memories leading to learning and promises of better ways of proceeding the next time I'd pass the same road.

If it's a beginning, it might be a new-born hope or hope reincarnated. I might start planning all over again, figuring out how best to move forward.

I wear a smile on Mondays for it slowly brings in a new week as it shuts the old. And more, I wear a smile on Mondays, even if it rains.

Thursday, June 4, 2009

Tungkol kay Papa ang post na ito

Papa's girl ako, nung bata pa ko.

Kung nasan si Papa, nandun ako. Kahit sa tambayan sa may tindahan. O kaya sa green na sasakyan ng barkada niya. O kaya sa bahay ng Lola. Kahit sa tapat ng bukas na pintuan ng bahay, kapag nakaupo si Papa dun, tiyak, nakasalampak din ako sa sahig. Minsan tinitingnan k0 lang siya. Madalas dinadaldal tungkol sa mga bago kong kalaro o tungkol sa school. Minsan naman tagahithit lang ako ng sigarilyo niya, second hand. Basta lagi lang akong nasa gilid niya, nakikinig, sa likod, sumusunod, o kaya minsan sa harap, nagkukuwento.

Nung 2 years old ako, classic na kwento ng mga magulang ko na nabulunan daw ako ng Stork candy. Ang kwento, nginunguya ko raw ang candy, nang mahuli ng malilikot kong mga mata si Papa, palabas ng bahay, tinawag ko at presto, muntik akong mamatay kung di lang dumating ang Tito ko at syempre si Papa, para pisilin ang leeg ko para lumabas ang candy.Hindi na daw pumasok sa trabaho si Papa noon para aliwin lang ako. Hindi ko kasi siya tinantanan.

Kahit sa trabaho, sinasama niya ko noon, doon sa mga bahay na pinagpipinturahan niya, kilala ako ng mga katrabaho niya.

Kahit tsinelas niyang nagmumukhang barko sa paa ko, sinusuot ko palagi. Madalas akong madapa noon dahil suot ko ang alpombra niyang tsinelas pero tuloy pa rin ako sa paggamit ng mga iyon. Kapag nawala ang mga tsinelas ni Papa, alam na ni Mama kung saan hahanapin yun.

Lagi ko ring inaabangan ang pag-uwi ni Papa galing sa trabaho. Sabik na sabik ako sa mga kwento at pangungulit niya. Kapag malapit nang lumubog ang araw, nasa labas na ko ng bahay, sa may terminal ng mga traysikel, nag-aabang. Naglalambitin ako sa rehas na gate ng barangay namin habang naghihintay. Madalas, sa likuran ng traysikel nakasakay si Papa kaya malayo pa lang, kapag natanaw ko na siya ay naglulundag na ko sa tuwa.

Tuwing Sabado, may dagdag bonus ang pag-uwi ni Papa. Pinapasalubungan niya kami ng Jo Kuan noodles. Pero kahit walang Jo Kuan noodles, napapalundag pa rin ako pag nasa bahay na ang tatay ko. Iniiwan ko ang mga kalaro ko kapag natanaw ko na siyang paakyat ng block namin. Pag-uwi niya, titimplahan ko siya ng kape tapos ibibigay ko sa na sa kanya ang damit pambahay at mga tsinelas. Kapag nakapagpahinga na siya, kakanta kami. Minsan sinasabayan niya ng sayaw ang mga kanta niya. Isa sa madalas naming kantahin nang sabay ay ang kantang "Ang mga ibon, na lumilipad, ay mahal ng Diyos. Hindi kumukupas...".

Madalas mapalo ng mga tatay nila ang mga kalaro ko, pero ako, ni isang beses ay wala akong latay na natanggap kay Papa kahit makulit ako. Hindi rin niya ko kinurot, na madalas gawin ni Mama.

Kahit na noong nagdalaga na ako, malapit pa rin ako kay Papa. Siya pa rin ang madalas kong kausap sa bahay. Alam niya ang mga pangarap at takot ko. Pati lovelife kong walang kabuhay-buhay, alam niya.

Pero nitong mga nakalipas na araw, napapansin kong hindi na kami nag-uusap. Masyado na kong naging busy. At siya rin. Masyado na siyang nag-aalala sa mga kailangan pa niyang gawin para sa amin. Hindi ko na siya nilalapitan tuwing uupo siya sa harap ng pintuan ng bahay. Ayoko na rin ng amoy ng sigarilyo niya dahil hinihika ako.

Hindi na niya ko kinakantahan at sinasayawan. Hindi ko na inaabangan ang pag-uwi niya. Hindi na ko excited sa paglubog ng araw.

Pero kahit ganun, Papa's girl pa rin ako.

Wednesday, June 3, 2009

Unang Lundag

Sa wakas, nagkatapang muli akong mag-blog. Wala kasing oras, madalas. Pero ngayon, susubukan kong magkaoras sa pagsusulat. Sabi nung isang guro ko nung college, ang isang manunulat, dapat nagsusulat. Dapat gumagawa ng oras para magsulat. Kung gusto, maraming paraan. Sumulat araw-araw tungkol sa anuman, patungo saanman. Basta magsulat.

At heto na. Ginising ako ng kunsyensya ko para ituloy ang dati ko pang gustong gawin-- ang magsulat.

Dahil unang lundag ko ito, magpapakilala muna ko sa inyo at sa sarili ko.

May kinalaman sa salitang dahilan ang pangalan ko. Noong bata pa ko, dahil ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko sa school. Kapag may sumigaw ng 'DAHIL' lumilingon na ko. Pero mas madalas akong mapalingon sa tawag ng 'BRUHILDA'. Ewan ko ba. Mabait naman ako noon, sabi ko.

Iilang tao lang ang tatango pag sinabi kong mabait ako. Yung mga talagang nakakakilala sakin, alam nilang ayokong sinasabihan na mabait ako. Parang napaplastikan ako pag sinabing ang bait ko. Mas kampante akong sabihin na masungit ako. Mataray. Pilya. Kanya-kanya naman tayo ng gusto sa buhay pero ayoko lang ng salitang mabait para sakin.

Gusto ko ang mansanas. Direct descendant ako ni Eva. Pero wala namang ahas na nagtulak saking maging paborito ang mansanas. Basta nakalakihan ko na lang ang prutas na iyon.

Gusto ko ang ulan. Ang ingay ng ulan. Gustung-gusto ko.

At higit sa lahat, buhay ko ang ang sinulat na salita.