Mabuhay ka. Wag lang basta-basta huminga.
TAGUBILIN AT HABILIN
Ni Jose F. Lacaba
Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!
Sa edad kong ito, marami akong maibibigay na payo.
Mayaman ako sa payo.
Maghugas ka ng kamay bago kumain.
Maghugas ka ng kamay pagkatapos kumain.
Pero huwag kang maghuhugas ng kamay para lang makaiwas sa sisi.
Huwag kang maghuhugas ng kamay kung may inaapi
Na kaya mong tulungan.
Paupuin sa bus ang matatanda at ang mga may kalong na sanggol.
Magpasalamat sa nagmamagandang-loob.
Matuto sa karanasan ng matatanda
Pero huwag magpatali sa kaisipang makaluma.
Huwag piliting matulog kung ayaw kang dalawin ng antok.
Huwag pag-aksayahan ng panahon ang walang utang na loob.
Huwag makipagtalo sa bobo at baka ka mapagkamalang bobo.
Huwag bubulong-bulong sa mga panahong kailangang sumigaw.
Huwag kang manalig sa bulung-bulungan.
Huwag kang papatay-patay sa ilalim ng pabitin.
Huwag kang tutulog-tulog sa pansitan.
Umawit ka kung nag-iisa sa banyo.
Umawit ka sa piling ng barkada.
Umawit ka kung nalulungkot.
Umawit ka kung masaya.
Ingat lang.
Huwag kang aawit ng “My Way” sa videoke bar at baka ka mabaril.
Huwag kang magsindi ng sigarilyo sa gasolinahan.
Dahan-dahan sa matatarik na landas.
Dahan-dahan sa malulubak na daan.
Higit sa lahat, inuulit ko:
Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!
Maraming bagay sa mundo na nakakadismaya.
Mabuhay ka.
Maraming problema ang mundo na wala na yatang lunas.
Mabuhay ka.
Sa hirap ng panahon, sa harap ng kabiguan,
Kung minsan ay gusto mo nang mamatay.
Gusto mong maglaslas ng pulso kung sawi sa pag-ibig.
Gusto mong uminom ng lason kung wala nang makain.
Gusto mong magbigti kung napakabigat ng mga pasanin.
Gusto mong pasabugin ang bungo mo kung maraming gumugulo sa utak.
Huwag kang patatalo. Huwag kang susuko.
Narinig mo ang sinasabi ng awitin:
“Gising at magbangon sa pagkagupiling,
Sa pagkakatulog na lubhang mahimbing.”
Gumising ka kung hinaharana ka ng pag-ibig.
Bumangon ka kung nananawagan ang kapuspalad.
Ang sabi ng iba: “Ang matapang ay walang-takot lumaban.”
Ang sabi ko naman: Ang tunay na matapang ay lumalaban
Kahit natatakot.
Lumaban ka kung inginungodngod ang nguso mo sa putik.
Bumalikwas ka kung tinatapak-tapakan ka.
Buong-tapang mong ipaglaban ang iyong mga prinsipyo
Kahit hindi ka sigurado na agad-agad kang mananalo.
Mabuhay ka, kaibigan!
Mabuhay ka!
Iyan ang una't huli kong
Tagubilin at habilin:
Mabuhay ka!
No comments:
Post a Comment