Sa wakas, nagkatapang muli akong mag-blog. Wala kasing oras, madalas. Pero ngayon, susubukan kong magkaoras sa pagsusulat. Sabi nung isang guro ko nung college, ang isang manunulat, dapat nagsusulat. Dapat gumagawa ng oras para magsulat. Kung gusto, maraming paraan. Sumulat araw-araw tungkol sa anuman, patungo saanman. Basta magsulat.
At heto na. Ginising ako ng kunsyensya ko para ituloy ang dati ko pang gustong gawin-- ang magsulat.
Dahil unang lundag ko ito, magpapakilala muna ko sa inyo at sa sarili ko.
May kinalaman sa salitang dahilan ang pangalan ko. Noong bata pa ko, dahil ang tawag sa akin ng mga kaibigan ko sa school. Kapag may sumigaw ng 'DAHIL' lumilingon na ko. Pero mas madalas akong mapalingon sa tawag ng 'BRUHILDA'. Ewan ko ba. Mabait naman ako noon, sabi ko.
Iilang tao lang ang tatango pag sinabi kong mabait ako. Yung mga talagang nakakakilala sakin, alam nilang ayokong sinasabihan na mabait ako. Parang napaplastikan ako pag sinabing ang bait ko. Mas kampante akong sabihin na masungit ako. Mataray. Pilya. Kanya-kanya naman tayo ng gusto sa buhay pero ayoko lang ng salitang mabait para sakin.
Gusto ko ang mansanas. Direct descendant ako ni Eva. Pero wala namang ahas na nagtulak saking maging paborito ang mansanas. Basta nakalakihan ko na lang ang prutas na iyon.
Gusto ko ang ulan. Ang ingay ng ulan. Gustung-gusto ko.
At higit sa lahat, buhay ko ang ang sinulat na salita.
No comments:
Post a Comment