Papa's girl ako, nung bata pa ko.
Kung nasan si Papa, nandun ako. Kahit sa tambayan sa may tindahan. O kaya sa green na sasakyan ng barkada niya. O kaya sa bahay ng Lola. Kahit sa tapat ng bukas na pintuan ng bahay, kapag nakaupo si Papa dun, tiyak, nakasalampak din ako sa sahig. Minsan tinitingnan k0 lang siya. Madalas dinadaldal tungkol sa mga bago kong kalaro o tungkol sa school. Minsan naman tagahithit lang ako ng sigarilyo niya, second hand. Basta lagi lang akong nasa gilid niya, nakikinig, sa likod, sumusunod, o kaya minsan sa harap, nagkukuwento.
Nung 2 years old ako, classic na kwento ng mga magulang ko na nabulunan daw ako ng Stork candy. Ang kwento, nginunguya ko raw ang candy, nang mahuli ng malilikot kong mga mata si Papa, palabas ng bahay, tinawag ko at presto, muntik akong mamatay kung di lang dumating ang Tito ko at syempre si Papa, para pisilin ang leeg ko para lumabas ang candy.Hindi na daw pumasok sa trabaho si Papa noon para aliwin lang ako. Hindi ko kasi siya tinantanan.
Kahit sa trabaho, sinasama niya ko noon, doon sa mga bahay na pinagpipinturahan niya, kilala ako ng mga katrabaho niya.
Kahit tsinelas niyang nagmumukhang barko sa paa ko, sinusuot ko palagi. Madalas akong madapa noon dahil suot ko ang alpombra niyang tsinelas pero tuloy pa rin ako sa paggamit ng mga iyon. Kapag nawala ang mga tsinelas ni Papa, alam na ni Mama kung saan hahanapin yun.
Lagi ko ring inaabangan ang pag-uwi ni Papa galing sa trabaho. Sabik na sabik ako sa mga kwento at pangungulit niya. Kapag malapit nang lumubog ang araw, nasa labas na ko ng bahay, sa may terminal ng mga traysikel, nag-aabang. Naglalambitin ako sa rehas na gate ng barangay namin habang naghihintay. Madalas, sa likuran ng traysikel nakasakay si Papa kaya malayo pa lang, kapag natanaw ko na siya ay naglulundag na ko sa tuwa.
Tuwing Sabado, may dagdag bonus ang pag-uwi ni Papa. Pinapasalubungan niya kami ng Jo Kuan noodles. Pero kahit walang Jo Kuan noodles, napapalundag pa rin ako pag nasa bahay na ang tatay ko. Iniiwan ko ang mga kalaro ko kapag natanaw ko na siyang paakyat ng block namin. Pag-uwi niya, titimplahan ko siya ng kape tapos ibibigay ko sa na sa kanya ang damit pambahay at mga tsinelas. Kapag nakapagpahinga na siya, kakanta kami. Minsan sinasabayan niya ng sayaw ang mga kanta niya. Isa sa madalas naming kantahin nang sabay ay ang kantang "Ang mga ibon, na lumilipad, ay mahal ng Diyos. Hindi kumukupas...".
Madalas mapalo ng mga tatay nila ang mga kalaro ko, pero ako, ni isang beses ay wala akong latay na natanggap kay Papa kahit makulit ako. Hindi rin niya ko kinurot, na madalas gawin ni Mama.
Kahit na noong nagdalaga na ako, malapit pa rin ako kay Papa. Siya pa rin ang madalas kong kausap sa bahay. Alam niya ang mga pangarap at takot ko. Pati lovelife kong walang kabuhay-buhay, alam niya.
Pero nitong mga nakalipas na araw, napapansin kong hindi na kami nag-uusap. Masyado na kong naging busy. At siya rin. Masyado na siyang nag-aalala sa mga kailangan pa niyang gawin para sa amin. Hindi ko na siya nilalapitan tuwing uupo siya sa harap ng pintuan ng bahay. Ayoko na rin ng amoy ng sigarilyo niya dahil hinihika ako.
Hindi na niya ko kinakantahan at sinasayawan. Hindi ko na inaabangan ang pag-uwi niya. Hindi na ko excited sa paglubog ng araw.
Pero kahit ganun, Papa's girl pa rin ako.
No comments:
Post a Comment