Current LSS ko ngayon ang After All ni Peter Cetera. na-inspire ako ng isang kambal na lalaki na napanood kong kumanta nito sa Pilipinas Got Talent. Bukod sa nakakaaliw nilang boses ay na-inspire ako sa maganda nilang kwento. Pero hindi ako magkukuwento tungkol sa kanila.
Ikukuwento ko ang tungkol sa kakaibang nararanasan ko nitong mga nakalipas na araw. Tungkol ito sa pag-ibig. Hindi 'yung pag-ibig sa pagitan ng dalawang tao. Ang tinutukoy ko ay ang pag-ibig sa trabaho. Sa totoo lang, nararamdaman kong nasa stage na ko na malapit na kong bumitaw. Alam na ito ng mga malalapit kong kaibigan. Pero hindi ko pa yata nasubukang isulat ang karanasang ito kaya heto...
Katulad ng mga relasyong nagsisimula pa lang, excited ako nung una akong pumasok sa trabaho ko. Punung-puno ng pananabik at inspirasyon ang bawat araw. May mga pagkakataong takot akong magkamali, pero mas maraming pagkakataong gusto kong sumubok ng mga bagong diskarte para mas mapabuti ang ginagawa ko. Ni walang araw na nalate ako ng gising para pumasok. Ni walang oras na wala akong ginawang hindi mabunga.
Pero lumipas ang mga panahon. Dumating sa puntong nakita ko na yung mga pangit na aspekto ng ginagawa ko. Ang naging mantra ko ay: "Kahit sa pangit na bagay, naroon ang Diyos." Napausad ako ng paniniwalang iyon. Pero hindi rin nagtagal ang epekto niyon.
Ngayon narito ako sa punto kung saan nasa mukha ko na ang katotohanan araw-araw. Ang trabahong dati kong mahal, naging obligasyon na lang. Routine, sabi nga nila. Nawala na yung "spark". Nakikita ko pa rin ang halaga ng ginagawa ko, pero nagsisimula na akong magtanong kung mahalaga nga kaya talaga sila para sa akin? Ito ba talaga ang gusto ko?
Kakayanin ko pa kaya? O susuko na ko?
Tumutugtog pa rin ang After All sa isip ko. Sa mga sandaling ito, nagsisimula nang pumasok sa isip ko ang isang bagay... after all, kelangan ko ba talaga to? Iyan ang tanong na naliligaw sa utak ko ngayon.
No comments:
Post a Comment