Ito ang araw na ginawa ng Panginoon.
Kahit naman binabagyo ngayon ang Quezon City at medyo malungkot ako dahil sa mga walang-kasiguraduhang bagay sa mundo, masasabi kong ito ay araw na ginawa ng Diyos.
Sa kasalukuyan, naguguluhan ako sa nararamdaman ko tungkol sa mga bagay at tao sa paligid ko. Bakit? Hindi ko alam. Sa totoo lang, wala akong alam na dahilan para maguluhan. Nag-aaral ako, sigurado akong gusto kong maging dalubhasa sa komunikasyon. Nagtatrabaho ako, sigurado akong gusto kong mapagbuti pa ang sarili ko bilang empleyada. Nagsisilbi ako sa simbahan bilang youth volunteer. Kung titingnan parang ang ayos-ayos ng mundo ko. Alam ko kung saan ako nakalugar sa halos lahat ng aspekto ng buhay ko.
Pero may mga bagay na alam kong hindi ko mapanghahawakan.
Parang tubig sa palad. Kahit anong pilit kong kuyumin ang mga palad ko, malaya pa ring kikilos ang tubig. Ayoko ng mga bagay na walang katiyakan.
Bakit ganun? Parang sa mga walang kasiguraduhan pa yata naiimbak ang kagalakan.
No comments:
Post a Comment