Papunta ako sa lugar ng meeting namin para sa isang formation program para sa mga empleyado na niluluto ng opisina namin. Nakatabi ko sa jeep ang teacher ko sa MSEP (Musika, Sining, Edukasyong Pangkatawan), si Ma'am Christine Ornido (tanda ko pa sya bilang kamukha talaga niya ang isa kong tita). Nagkwento siya tungkol sa pagreretiro ng mga magagaling na teachers sa public school na pinasukan ko noong grade school. Wala na raw si Ma'am Tesoro (yung terror naming Science teacher), kakaretire lang daw. Principal na raw yung asawa niya sa ibang school, at siya patuloy pa rin ang pagtuturo sa grade school namin. Sabi niya, ibang-iba raw ang mga estudyante ngayon kaysa sa batch namin. Magaling daw talaga kami kumpara sa mga bata ngayon. Masyado raw kasing maikli ang attention span nila kumpara samin. Sabi ko naman, malaking bagay ang dedikasyon ng mga guro sa pagtuturo. Naalala ko noong panahon namin, pagkatapos ng morning session sa klase e may out-of-classroom sessions pa kami kasama ang mga teachers sa major subjects. Ngayon daw, parang tinatamad na ang mga bagong teachers.
Dun ko masasabing ang swerte ko dahil kabilang ako sa henerasyon ng masisipag na mga guro. Kung noon, halos manginig ako sa kasungitan ng ilan sa kanila, ngayon nagpapasalamat ako dahil ang pamamaraan nila sa pagtuturo ang nagpabuti sa landas na tinatahak ko. Naaalala ko, magagaling talaga ang mga naging guro ko, madalas silang makapag-train ng mga estudyanteng pang-regional ang kapasidad sa subject proficiency. Madalas kaming manalo sa mga district at division contests sa ilalim nila. Sa ngayon, halos negatibong lahat ang nakukuha kong feedback tungkol sa mga bagong guro at bagong henerasyon ng mga estudyante. Hindi ko maiwasang malungkot para sa alma mater ko.
Kaya nga inalala kong lalo ang bilin sa'kin ng paborito kong class adviser na pumanaw na, "Patunayan mong kaya mo, kasi alam kong kaya mo. Just be strong and be humble."
Patutunayan kong tama ang mga sinabi niya at ng mga naging guro ko tungkol sa akin. Sa ganitong paraan, magpapasalamat ako sa kanila.
Nag-igting ang kagustuhan kong ayusin ang mga pagkukulang na nagawa ko sa nakalipas na taon. May oras pa ko, at maraming umasa sa akin noon na kaya ko.
No comments:
Post a Comment