Ngayon ko lang ulit nakausap si Lola nang matagal. Naging sobrang hectic ang mga araw ko na hindi ko na siya halos nakakausap. Noong estudyante pa ako, tuwing hapon, kung wala akong inaaral, kinakausap ko si Lola. Ang bawat session kasama siya ay isang uri rin ng pagkatuto.
Ngayong bago mag-dapit-hapon, sabi niya sa'kin, "Mag-asawa ka, ne." Nag-umpisa 'yun nang sabihin kong ang dami kong pamangkin. Ang dami kong pwedeng alagaan. Akala siguro niya balak ko na talagang maging taga-alaga. Sabi niya mabuti raw ang may sariling anak dahil galing sa iyo yun, sariling dugo at laman. "Galing sa puso mo."
Gusto ko naman talagang mag-anak. Gusto ko naman talagang mag-asawa. "Lola, gusto ko pong magpamilya pero hindi pa ngayon." Sabi niya kaya ko na raw. Sabi ko oo, kaya ko, pero kelangan ko munang buuhin ang sarili ko. Pakiramdam ko ang dami ko pang gustong gawin na di ko magagawa kung magkaanak na ko. Gusto ko kapag nagkaanak na ko, sa kanya na lang umiikot ang mga pangarap ko. Magagawa ko yun kung tapos ko nang paikutin ang sarili ko sa sarili kong mga pangarap. Gusto ko buo ako kapag nagbuo ako ng sariling pamilya. Idealistic akong tao, oo, sa maraming aspekto. Siguro dahil lumaki ako sa hindi magagandang realidad ng buhay.
Hindi ko naman bibiguin ang Lola e, pero gusto kong siguruhing kapag dumating na ako sa puntong 'yun, wala akong panghihinayangan.
tama... "pero kelangan ko munang buuhin ang sarili ko"
ReplyDeleteminsan mahirap naman talaga sumabak ng hindi handa...
namis ko tuloy lola ko. dinadaan nya ako sa kwento sa mga pangaral nya...